Namatay noon din ang biktimang si Miguelito Biluno sanhi ng ilang tama ng bala ng baril sa ulo.
Mabilis namang nagsitakas ang apat na suspect makaraang tangayin ang pera at alahas ng mga pasahero na kanilang biniktima.
Ayon sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-8 ng gabi sa kahabaan ng NAIA Avenue sa Barangay La Huerta sa nabanggit na lungsod.
Nabatid na sakay sa jeep na may plakang DKT-4590 ang biktima kasama ang iba pang pasahero nang magdeklara ng holdap ang mga suspect.
Inisa-isa ng mga suspect ang pera at alahas ng mga pasahero, nang mapadako na sa upuan ng nasawi nanginginig itong binubunot ang kanyang wallet subalit dahil sa tagal ay nainis ang isa sa mga holdaper at pinaputukan ito ng ilang ulit sa ulo na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan. (Ulat ni Lordeth Bonilla)