Ayon sa pulisya patuloy ang ginagawa nilang pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad sa San Pablo City, sa Laguna matapos silang makatanggap ng impormasyon na may kinalaman din si Macaldo sa pagpaslang kay BIR examiner Graciano Balubal noong nakalipas na Agosto 20 at sa radio newscaster na si Sonny Alcantara noong Agosto 22.
Sa isinagawa namang pakikipag-usap kay Macaldo, bagamat hindi ito umaamin na may kinalaman sa pagpaslang kay Go, inamin naman nito na siya ay bayarang killer na siya umano ang siyang pumaslang sa isang Joey Ignacio ng Las Piñas at sa isang barangay chairman sa Sta. Mesa, Manila, kasama rin siya sa grupong humoldap sa Caltex sa Tayuman Branch.
Nagbigay din ito ng pahiwatig na sa bawat ulo na kanyang tinatrabaho ay tumatanggap siya ng P15,000. Isang publisher ang sinasabing nag-utos sa kanya sa dalawang naganap na pagpaslang.
Umanoy atraso ang motibo sa kanyang isinagawang krimen.
Magugunitang si Macaldo ay inaresto ng mga awtoridad kaugnay sa kasong pagpaslang kay Go.
Ito ay prinisinta pa sa mga mamamahayag ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Manila Mayor Lito Atienza kamakailan. (Ulat ni Grace dela Cruz)