Kaugnay nito, itinakda na sa darating na Setyembre 10 ang preliminary investigation hinggil sa nasabing kaso ng tatlong suspect na sina Ryan Jaworski, 27; Michael Castro, 27 at Joao Santiago, 26.
Ayon kay Supt. Rodrigo de Gracia, hepe ng San Juan police na inihain ng kanyang tanggapan na kanselahin ang lisensiya ng M-16 rifle at tatlo pa sa apat na Glock 9mm pistol na nakumpiska sa tatlong suspect.
Nagpiyansa nitong nakaraang Biyernes ang tatlo.
Nagbayad ng kabuuang P140,000 bail si Jaworski para sa kanyang dalawang kaso, samantalang nagbayad naman ng P60,000 bawat isa sina Castro at Santiago.
Napag-alaman pa na bagamat may lisensiya ang mga baril ng tatlo ay wala naman silang permit to carry firearms outside residence.
Magugunitang ang tatlo kasama pa ang dalawa na nakilalang si Roel Comendala, 26 at Virgilio Endaya, 33 na naunang nang pinalaya dahil sa kawalan ng ebidensiya ay inaresto sa kahabaan ng Northeast Greenhills, San Juan dahil sa pagpapaputok ng baril.
Ikinatuwiran ng grupo na namamaril lamang sila ng mga daga. (Ulat ni Joy Cantos)