Mag-anak nabagsakan ng poste ng Meralco, 1 todas

Halos napisak ang katawan ng isang 23-anyos na ginang habang nasa kritikal na kalagayan ang 2-anyos nitong anak na lalaki at 60-anyos nitong lola matapos aksidenteng mabagsakan ng poste ng Meralco sa Mandaluyong City.

Dead on-the-spot ang biktimang kinilalang si Luisa Agustin, tindera ng Block VI, Fabella Road, Brgy. Addition Hills ng lungsod na ito.

Isinugod naman sa pagamutan ang anak nitong si Dominador Agustin at ina na si Nuneta Palisoc matapos kapwa magtamo ng grabeng sugat sa katawan mula sa bumigay na kongkretong poste ng Meralco.

Sa imbestigasyon, dakong alas-2 ng hapon nang bigla na lamang matumba ang sampung talampakang taas ng poste sa Block VI ng Fabella Road.

Eksakto namang dumadaan ang mga biktima ng bumigay ang poste at napuruhan si Luisa.

Agad namang sumaklolo ang ilan nilang mga kapitbahay subalit hindi na naagapan ang buhay ni Luisa habang ang mag-lola ay dinala naman sa pinakamalapit na pagamutan. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments