Si Ryan Jaworski, 27, ay nahaharap sa dalawang bilang ng kasong illegal possesion of firerms habang tig-isang bilang ng nasabing kaso ang barkada nitong sina Michael Castro, 27, at Joao Santiago, 26.
Sinabi ni Assistant Provincial Prosecutor Edgardo Bautista na itinaas niya ang kaso mula sa naunang isinampa ng San Juan police laban sa grupo ni Jaworski matapos na labagin ng mga ito ang probisyon hinggil sa permit to carryfirearms.
"They are only allowed about 50 rounds of ammunition for each gun but they have more than 170 rounds" paliwanag ni Bautista.
Idinagdag pa ni Bautista na ginamit ng magkakabarkada sa hindi makatwirang pamamaraan ang pagpapautok ng nasabing mga baril sa isang pampublikong lugar.
"The street is not a firing range," pahayag pa ni Bautista na nagrerekomenda ng P60,000 piyansa sa bawat isang bilang ng nasabing kaso.
Ipinag-utos naman nito ang pagpapalaya sa dalawa pang kasamahan ng batang Jaworski na sina Virgilio Endaya, 33, at Rodel Comendador, 27, na nakatakda ring imbestigahan ng prosekusyon.
Sinabi naman ni San Juan Police chief, Sr./Supt. Rodrigo de Gracia na may testigo na silang hawak na magpapatunay na talagang nagpaulan ng bala ang grupo sa Brgy. North Greenhills, San Juan.
Sinabi naman ni Justice Secretary Hernando Perez na may basehan para tanggalan ng lisensiya ng baril ang batang Jaworski dahil sa walang kabuluhang bagay lamang niya ito ginagamit.
Nagtataka rin ito kung bakit pinapayagan ang tulad ng batang Jaworski na gumamit ng M-16 rifle na isang mataas na kalibre ng baril, gayong sa umiiral na batas ang mga mahahabang armas ay gamit lamang sa mga sundalo at pulis at hindi binibigyan ang mga sibilyan maliban kung mayroong security threat. Pinalaya na sa kanilang kulungan sina Jaworski matapos na magpiyansa ang mga ito. (Joy Cantos at Gemma Amargo)