Nakatakdang sampahan ng pulisya ng kasong alarm scandal ang suspect na si Ryan Jaworski, 27, ng Corinthian Garden, Quezon City at siyang tumatayong Chief of Staff ng kanyang ama sa Senado, base sa ibinibigay nitong calling card sa mga pulis.
Kasama sa mga inarestong kabarkada nito ay sina Michael Castro, 27; Joao Santiago, 26; Rodel Comandador, 27 at Virgilio Endaya, 33.
Nasamsam sa mga suspect ang apat na kalibre .9mm at .556 rifle colt at isang kahon ng bala na may lamang 171 rounds.
Nabatid na bandang alas-11 ng gabi kamakalawa ng makatanggap ng tawag ang pulisya mula sa mga residente sa Florida St., Brgy. North Greenhills, San Juan.
Dahil ditoy nagresponde ang pulisya at nahuli sa akto ang mga suspect na hawak pa ang mga baril kung saan agad na naglabas ng calling card ang batang Jaworski at nagpakilala sa mga pulis.
Sa presinto sinabi ng mga suspect na namamaril lang sila ng mga daga, subalit tila hindi tugma dahil sa lulan pa sila ng kanilang mga sasakyan na isang itim na Nissan Frontier at isang itim na Ford Expedition.
Andap naman ang pulisya na magbigay pa ng detalye, dahil hindi nila masabi kung lasing o hindi ang mga suspect.
Matatandaan na ang batang Jaworski ay nasakote na rin noong Marso 2000 dahil sa pag-iingat nito ng may limang gramo ng shabu.
Samantala, ipinapaubaya naman ni Senator Jaworski sa pulisya ang kaso ng kanyang anak. Binanggit nito na hindi siya kunsintidor na ama at kung may sapat na ebidensiya laban sa kanyang anak ay bahala na dito ang pulisya. (Ulat nina Joy Cantos at Rudy Andal)