Laban ng sidewalk vendors vs MMDA tuloy

Halos isang daang sidewalk vendors ang nagtungo kahapon sa gate ng House of Representatives upang hingin ang tulong ng mga mambabatas kaugnay sa hindi umano makataong pagtrato sa kanila ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Bayani Fernando.

Ang mga demonstrador ay pinangunahan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) na karamihan sa mga miyembro ay mga sidewalk vendors.

Dinala rin ng mga nag-rally ang kanilang mga paninda at mariing binatikos si Fernando sa plano nitong lagyan ng gas ang paninda ng mga vendors upang hindi na maipagbili.

Sinabi ng mga vendors na anti-poor ang mga plano ni Fernando at nilalabag umano nito ang kanilang karapatang pantao.

Nakakuha naman ng kakampi ang mga vendors dahil pinuntahan sila ni Iloilo Rep. Augusto Syjuco at nakipag-usap ito sa kanila.

Nanawagan si Syjuco kay Fernando na huwag ituloy ang kanyang plano na sabuyan ng kerosene ang mga paninda ng mga vendors na patuloy na nagtitinda sa mga ipinagbabawal na lugar.

"Nakikiusap ako sa kanya na sana’y maunawaan niya ang kalagayan ng ating mga mahihirap na kababayan na ang tanging layunin ay kumita nang kaunti," ani Syjuco.

Dapat aniyang pag-isipan ni Fernando ang alternatibong paraan upang makatulong ang mga MMDA sa mga vendors. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments