Sa isinagawang press conference, pinangalanan nina NBI Director Reynaldo Wycoco at CIDG Director Nestor Gualberto ang isa sa mga suspect na si Atty. Vicente "Dodong" Polinar.
Sinabi ng dalawang opisyal na ang pagkakatukoy kay Polinar ay batay na rin sa ibinigay na salaysay ng siyam na mga testigo. Si Polinar ay nasa kustodya ng PNP-CIDG.
Ayon pa kay Wycoco, nakasaad umano sa testimonya ng mga testigo na nagsagawa ng surveillance sina Polinar, ang asawa ng aktres na si Rod Lauren Strunk at Philip Medel isang linggo bago tuluyang patayin si Nida.
Isinasabit umano ni Polinar ang identification card (ID) ng Narcotics Command (Narcom) sa kotseng ginamit sa pagsu-surveillance kay Blanca upang hindi ito sitahin habang nagpapaikut-ikot sa bisinidad ng Atlanta Tower sa San Juan.
Marami umanong nakakita sa tatlo habang nagsasagawa ang mga ito ng surveillance laban sa aktres.
Si Polinar din umano ang bumili ng kotse na ginamit sa nasabing pagmamanman kay Blanca.
Sinabi pa ni Wycoco na maituturing na "breakthrough" ang pagkakatukoy kay Polinar dahil malaki ang maitutulong ng ibibigay nitong testimonya para agad na malutas ang kaso ng pagpaslang sa nasabing aktres.
Bunga nitoy isinampa na rin ang reklamo laban kay Polinar sa Department of Justice (DOJ) kahapon. (Ulat ni Grace dela Cruz)