Sa panayam kay Ramil Lansang, 31, isa sa naghihintay sa hatol na bitay dahil sa kasong rape with homicide na tatagal ang kanilang pagbi-vigil hanggang sa buwan ng Oktubre.
Ito ay isasagawa nila sa loob ng death row, maximun security compound ng New Bilibid Prisons (NBP).
Hindi umano nila ititigil ang pagdarasal kasama ang kanilang mga kamag-anak at mga religious group na tumututol sa naturang batas.
Binanggit pa ng mga bibitayin na matinding torture lalo na sa pag-iisip ang dinaranas nila sa kanilang selda lalot nababalitaan nila ang usapin sa parusang kamatayan. Marami ang nababalisa, hindi makakain at makatulog na nagiging dahilan naman upang ang ilan sa kanila ay mawala sa sarili dahil sa kakaisip sa kanilang sasapiting kapalaran.
Kasabay ng isinagawang pagbi-vigil, naghain din ang mga nakatakdang bitayin ng 32 pahinang petition for certiorari at probation sa Supreme Court sa pamamagitan ng kanilang mga abogado sa Free Legal Assistance Group (FLAG) para magpalabas ng temporary restraining order tungkol sa bitay.
Ito umano ang siyang pipigil sa pagbitay sa limang death row inmates na isasalang sa lethal injection chamber sa mga itinakdang petsa.
Kabilang sa mga bilanggong nakatakdang bitayin ngayong Agosto 30 ay si Rolando Pagdayawan, subalit ito ay ipinagpaliban nga ni Presidente Arroyo dahil sa kaarawan ni Cardinal Sin; Eddie Sernadilla, Setyembre 3; Felimon Serrano, Setyembre 20; Alfredo Nardo,Oktubre 16; Jimmy Jacob, Oktubre 31 at Ramil Rayos, Enero 8, 2003. (Ulat nina Lordeth Bonilla at Gemma Amargo)