Sa tatlong-pahinang resolution ni 3rd Asst. City Prosecutor Hannibal V. Santillan ng Makati City Prosecutors Office na may petsang Agosto 12, 2002, sina William Tieng, asawang si Aida, kapatid na sina Wilson, Lucia at Willy Tieng, pawang may-ari ng Solar Films Entertainment at Solar Entertainment Corp. (SEC) ay sinampahan ng kasong estafa na nagkakahalaga ng P5 million.
Ang resolution ng piskalya ay base sa naging reklamo ng Team Image Entertainment, Inc. (TIEI) sa pamamagitan ni Atty. Froilan D. Cabaltera, dating kasosyo sa negosyo ng mga akusado.
Sa complaint affidavit ni Cabaltera, Vice-President/Administration and Corporate Counsel ng naturang entertainment company, nagkaroon sila ng joint venture agreement sa Solar Films noong Enero 10, 1997 upang maipalabas sa telebisyon at pelikula ang telenobelang Marimar na pinagbibidahan ng superstar at Mexican actress na si Thalia.
Ang naturang telenobela ay naging blockbuster television series sa RPN-9 bukod pa sa kinopya rin ang ilan pang pelikula ng aktres na si Thalia sa mga kalabang TV station.
Naipalabas ang pelikulang Marimar sa mga sinehan na kinalokohan ng milyong viewers at kumita ng milyun-milyon na walang remittance na ginawa ang producer nito. (Ulat ni Lordeth Bonilla)