Ang mentally-ill na pasahero ay nakilalang si Jennifer Leynes, may asawa, ng 11th Ave., Sampaguita St., Caloocan City.
"Pilipinas, narito na ako! Praise the Lord! Halleluiah!" ito ang isinisigaw ni Leynes nang dumating sa NAIA dakong ala-1:45 ng hapon lulan ng Thai Intl. Airlines flight TG-621 mula sa Osaka, Japan.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Sr. Intelligence agent Rudy David, si Leynes ay dumating sakay ng wheelchair at nangangatal ang buong katawan nang kanyang mamataan mula sa pulutong ng mga parating na pasahero mula sa Japan.
Nang makita ni David sa kaawa-awang kalagayan ang pasahero ay kaagad nitong nilapitan at tinulungan para sa pagpoproseso ng kanyang travel documents sa BI arrival counter at personal na inihatid sa OWWA counter para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Sa pakikipanayam naman kay Crisanta Contemplo, 32, ng Negros Occidental, nakasama ni Leynes sa pag-uwi, tatlong araw pa lamang umano na mentally-ill ang OFW sa Japan simula nang dumating noong Hulyo 25 ay isinugod na ito sa pagamutan noong Hulyo 31 sanhi ng hindi pa mabatid na sakit.
"OK naman siya nang dumating sa club na pinagtatrabahuhan namin. Ang hinala namin ay matinding pangungulila sa kanyang dalawang anak na kapwa mga bata pa at homesick ang naging dahilan kung kayat di nito nakayanan ang pananatili sa Japan," paliwanag ni Contemplo. (Ulat ni Butch Quejada)