Parsons, Waray gang member maghaharap ngayon

Magkokomprontahan ngayong araw na ito sina actor/singer Sonny Parsons at isang umano’y miyembro ng ‘Waray gang’ na nanloob sa kanyang bahay at nagharap pa sa kanya ng kasong frustrated homicide.

Inaasahan namang ipupursige ni Parsons, Jose Nabiula Jr. sa tunay na buhay, 48, ang kasong robbery at illegal possession of firearms laban kay Joram Gacita sa gaganapin ngayong preliminary investigation sa kaso sa tanggapan ni City Assistant Prosecutor Linda Onos.

Si Gacita ay isa sa anim na armadong kalalakihan na umano’y puwersahang pumasok sa bahay ni Parsons sa Marikina noong nakalipas na Hulyo 17 ng taong kasalukuyan.

Ang alegasyon ni Parsons ay mahigpit namang itinatanggi ni Gacita na patuloy na iginigiit na hindi niya kilala ang grupo ng mga lalaking nanloob sa bahay ng una. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments