Ilang mga residente sa paligid ng Camp Karingal ang nagtungo sa Quezon City hall para iparating ang kanilang reklamo laban kay Chief Inspector Alfredo Roxas, camp commander sa naturang kampo.
Isa si Mrs. Gloria Dizon, may-ari ng aso na napatay ni Roxas noong nakalipas na Hunyo 22. Ayon sa kanya napadako sa loob ng kampo ang kanyang alagang aso at nagulat siya dahil basta na lamang ito binaril ng pulis at nakangiti pa umano ito at tuwang-tuwa sa tuwing maaasinta niya ang mga aso.
Nababahala umano ang mga residente sa paligid ng kampo dahil sa 30 aso na ang napapatay dito.
Bunsod nito, iginiit ni QC Councilor Ariel Inton kay CPDC director Rodolfo Tor na imbestigahan si Roxas kaugnay ng naturang sumbong na isang paglabag sa RA 8485 o ang Animal Welfare act of 1998.
Maaari umanong kasama sa camp regulation ang pagpasok ng mga alagang hayop subalit hindi naman umano makatarungang barilin na lamang basta-basta ang mga aso na nakakapasok dito dahil hindi ito mga asong lansangan kundi may mga taong nag-aasikaso sa mga ito. (Ulat ni Angie dela Cruz)