Jailbreak: 8 preso pumuga

Walong bilanggo sa Western Police District (WPD) headquarters na nahaharap sa iba’t ibang kaso ang matagumpay na nakatakas sa kanilang piitan, kahapon ng madaling araw.

Gayunman, agad na nadakip ang tatlo sa mga ito sa isinagawang operasyon.

Nakilala ang mga pumuga na sina Arthur Humindil, Tony Villar, Jessie Constantino, Prinzal Zauwali, Zapandi Javi, John Masulod, Nino Kapindig at Rod Fuentes.

Kabilang naman sa agad na nadakip sina Masulod, Constantino at Zauwali.

Base sa ulat, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang magtungo umano ang jailer na si SPO3 Danilo Durado sa comfort room na iyon ang pagkakataong sinamantala ng mga preso para pumuga.

Binanggit pa sa report, na naiwan umano ni Durado sa lamesa ang susi ng selda na iyon umano ang pinilit makuha ng mga bilanggo para mabuksan ang kanilang kinapipiitan hanggang sa tuluyang tumakas.

Nang mabatid ni Durado ang ginawang pagpuga ay agad niyang inalarma ang kanyang mga kasamahan.

Nahuli ang tatlo habang nakatago sa halaman sa headquarters.

Agad namang nag-utos ang pamunuan ng WPD ng manhunt operation laban sa lima pang pugante. (Ulat ni Andi Garcia)

Show comments