Sa 21 pahinang desisyon ni Judge Lilia Lopez, ng Pasay City RTC, Branch 109, ang mga hinatulan ay sina Dionisio Cabudbud, na pinatawan ng parusang bitay, habang ang kanyang anak naman na si Edgar ay tumanggap ng habambuhay na pagkabilanggo at 10 taong pagkakulong naman sa pamangkin na si German Tordesillas na isang menor-de-edad.
Bukod dito, pinagbabayad din ng korte ang tatlong akusado ng halagang tig-P100,000 danyos perwisyo sa kanilang biktima.
Batay sa rekord ng korte ang biktima na itinago sa pangalang Riza, 11, anyos ay ampon ng pamilya Cabudbud ay may sampung ulit na ginahasa ng mga akusado sa magkakahiwalay na insidente noong taong 2000.
Ito umano ay ginagawa ng tatlo sa tuwing wala ang ina-inahan ng bata na asawa ni Dionisio.
Hindi agad nakapagsumbong ang bata sa kanyang ina-inahan dahil sa tinatakot ito ng mga akusado. (Ulat ni Lordeth Bonilla)