Itoy matapos maunahan sa pagbunot ng baril ng isang 28-anyos na rookie policeman ang isang 50-anyos na beteranong pulis na malapit nang magretiro sa naganap na duwelo kahapon ng madaling araw sa loob ng isang police station sa Pasig City.
Kasalukuyang nakikipagbuno sa kamatayan sa Rizal Medical Center ang biktimang si SPO3 Henry Sadiua ng Block 13, L-2 Phase ll Balintawak, Quezon City matapos na magtamo ng pitong tama ng bala ng baril sa katawan.
Agad namang ipinag-utos ni Supt. John Sosito, Pasig City police chief ang pagsasampa ng kasong frustrated homicide laban kay PO1 Federico Cruz, isang bagong talagang pulis sa nasabing himpilan.
Batay sa isinagawang imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-3:05 ng madaling araw sa loob ng Police Community Precinct 6 na nasa Dr. Sixto Antonio Avenue sa Brgy. Caniogan sa naturang lungsod.
Binanggit pa sa ulat na nagtungo sa nasabing istasyon ang biktimang si Sadiua dahil sa nakaugalian na niyang matulog dito matapos ang kanyang duty.
Napag-alaman pa na nakainom si Sadiua at nakita nito ang baguhang si Cruz na hinamon nito ng duwelo. Ayon sa mga kasamahan niyang pulis na sa tuwing malalasing ang biktima ay naghahamon ito ng away, gayunman hindi na nila pinapatulan dahil sa matanda na habang si Cruz naman dahil sa baguhan ay tahimik lamang.
Hindi umano pinansin noong una ni Cruz ang paghahamon ng biktima subalit napikon na ito hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo subalit naawat naman sila ng kanilang mga kasamahan.
Ilang minutong napayapa hanggang sa muling magsalubong at nagpukol ng matalim na tingin sa bawat isa hanggang sa kapwa bumunot ng baril.
Mabilis naman si Cruz na sunud-sunod na ipinutok ang baril kay Sadiua na humandusay.
Sa kabila nito, nakuha pa ring dalhin ni Cruz si Sadiua sa pagamutan bago ito sumuko sa kanyang superior. (Ulat ni Joy Cantos)