Halos hindi na makilala dahil sa matinding pagkasunog ang mga biktima na sina Lourdes Chokilo, 65; ang kapatid nitong si Zenaida Veluz, 50, at kanilang pamangkin na si Aiza delos Angeles, 13, pawang naninirahan sa Block 5, Lot 3 sa panulukan ng Champaca at Sampaguita Sts., Paramount Village, Brgy. Talon 3, ng nabanggit na lungsod.
Samantala, pinaghahanap naman ng pulisya ang tumakas na suspect na nakilalang si Reynaldo Abayon, kalapit na kuwarto ng mga biktima.
Ayon kay Chief Inspector Arnulfo Leynes, Fire Marshall ng Las Piñas City Fire Department, naganap ang insidente dakong alas-12:15 kahapon ng madaling araw.
Napag-alaman na bago maganap ang sunog narinig na nag-aaway ang suspect na noon ay nasa impluwensiya ng alak at ang kanyang misis. Naburyong umano ang suspect at pinasingaw ang tangke nila ng LPG na naging sanhi ng pagsabog nito.
Agad na kumalat ang apoy sa karatig kuwarto kasama ang kuwarto ng mga biktima na na-trap sa loob dahil na rin sa matinding lakas ng apoy.
Tumagal ng may isang oras bago tuluyang naapula ang apoy na doon narekober ang tatlong sunog na bangkay ng mga biktima.
Tinatayang aabot sa P1 milyong halaga ng ari-arian ang kasamang natusta sa sunog. (Ulat ni Lordeth Bonilla)