Ayon sa police source, sinabi umano ni Chief Insp. Arnel Olivares, finance chief ng CPD sa mga bagong pulis na ang kanilang suweldo sa buwan ng Disyembre kasama pa ang mid-year bonus ay hindi mare-release dahil sa kakulangan ng pondo.
Gayunman, nagdududa ang may 1,700 na mga PO1s dahil patuloy namang nagre-recruit ang CPD ng may 800 mga bagong pulis.
"Kung kaya nilang mag-recruit at magsanay ng may 800 pulis, siguradong may sapat na pondo para sa aming suweldo," pahayag ng isang apektadong policewoman.
Binanggit pa ng source na kulang ng tig-P500 ang bawat isa sa 1,700 pulis sa suweldong nakuha nila sa buwan ng Enero. Hindi man lang umano nagbigay ng anumang paliwanag ang nabanggit na opisyal.
Hindi naman matagpuan sina Chief Inspector Olivares at CPD director Rodolfo Tor para kunan ng komento tungkol dito. (Ulat ni Matthew Estabillo)