Nanginginig sa galit ang isang ginang na nakilalang si Yolanda Flores, 42, ng 783 Coronado St., Barangay Hulo ng nabanggit na lungsod ng magtungo sa pulisya.
Base sa salaysay ni Flores, kasama niya ang isa niyang kaibigan nang kumain sila sa naturang establisimiyento sa Maysilo Circle, Barangay Plainview dakong alas-4:10 ng hapon noong nakalipas na Miyerkules. Nang maisubo niya ang inorder niyang cheeseburger ay bigla na lamang siyang napasigaw ng may tumusok sa kanyang gilagid.
Nang iluwa niya ang kanyang kinakain, nabigla siya nang makita ang isang karayom na nakahalo sa burger.
Nagreklamo umano siya kay Alvin Dayo, store manager kung saan dinala siya sa Mandaluyong Health Office upang ipasuri.
Nagkasundo umano sila na ipagagamot na lamang at kung nasira man ang kanyang ngipin ay papalitan na lamang.
Naghintay naman siya sa pangako ni Dayo subalit nang makausap niya ito ay sinabing ipapatingin muna siya sa kanilang sariling doktor para sa pangalawang opinion.
Dahil sa pakiramdam na pinaiikot siya ni Dayo kaya nagpasya na ang ginang na magharap ng reklamo sa pulisya.
Sa panayam, sinabi naman ni Dayo na may nakita ngang karayom sa burger na kinakain ng biktima, gayunman itinanggi nito na hindi nila inaasikaso ang nangyari kay Flores.
Hinggil naman sa nakitang karayom ay humingi si Dayo ng dispensa.
"Humingi ako ng public apology sa kanya dahil hindi naman sinasadyang maihalo ang karayom sa kinakain niya, bakit kailangan pa siyang magreklamo sa pulisya. Kinukuha lang naman namin ito sa mismong supply center", dagdag pa ni Dayo. (Ulat ni Joy Cantos)