Matapos ang nasabing insidente, dala umano ng konsensiya ay nagpakamatay din ang salarin sa pamamagitan nang pagbaril sa kanyang sarili.
Namatay noon din ang biktimang si Carmelita Pulumbarit, 39, guro sa Pangarap Elementary School ng San Agustin St., Guadanoville Subdivision bunga ng apat na tama ng bala ng baril sa katawan.
Samantalang isang tama sa kanang sentido naman ang tinamo ng suspect na si Efrain Guildorie, 37, ng Virgo St., Pangarap Village.
Sa paunang ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10 ng umaga sa mismong bahay ng Pulumbarit sa naturang lugar.
Nabatid na nagsadya sa bahay ng biktima ang suspect na si Guildorie para singilin ito sa pagkakautang na P39,000 na matagal na umanong hindi mabayaran ng guro.
Nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa hanggang sa mabilis na tumalikod ang guro at nagtangkang lumabas na ng bahay. Hindi naman nagustuhan ng suspect ang ginawang pagtalikod ng pinsan kung kayat mabilis nitong binunot ang dalang baril at sunud-sunod na pinaputukan ang biktima.
Nang makitang hindi na gumagalaw ang pinsan, dala ng matinding takot at konsensiya ay itinutok nito sa ulo ang kanyang baril at saka nagbaril sa sarili.
Narekober ng pulisya ang isang kalibre .38 baril na ginamit ng suspect sa pagpaslang sa pinsan at sa kanyang ginawang pagpapakamatay.
Napag-alaman na si Guildorie ay dating nagtatrabaho sa National Steel Corp. kung saan nakatanggap ito ng malaking halaga ng salapi bilang separation pay matapos itong ipagbili sa gobyerno na ipinautang naman nito ang konting halaga sa kanyang pinsang guro.(Ulat ni Rose Tamayo)