Napag-alaman na inihahanda na ang kasong administratibo at sibil laban sa school principal na si Dr. Ofelia Viray matapos ang naganap na pagkalason sa mahigit sa 600 estudyante sa nabanggit na paaralan.
Samantala, sinabi naman ni Manila Health Department chief Dr. Florante Baltazar na salmonella infection ang siyang ugat ng pagkakalason sa maraming mga pupil sa paaralan.
Ayon kay Division of City Schools Superintendent Dr. Ma. Luisa Quinones, si Viray ay papalitan ng gurong si Francisco Apollo, samantalang ang mga gurong sina Jen Saya at Siel Ramos ay inalis din sa posisyon upang masigurong patas ang ginagawang imbestigasyon.
Kinumpirma ni Baltazar na ang egg sandwich na may mayonnaise dressing na kinain ng mga mag-aaral ang siyang nakalason sa mga ito.
Idinagdag pa nito na kung ang ibat ibang testing na ginawa ng MHD ang pagbabatayan, lumilitaw na ang insidente ay hindi likha ng water contamination.
Ayon sa kanya, ang mga nasabing sandwiches ay inihanda sampung oras bago ito ipinakain sa mga estudyante. (Ulat ni Andi Garcia)