Kinilala ni NBI Acting Director Fermin N. Nasol ang suspek na si Orlando Pascua Estanes Sr., alyas Edong, 41, may-asawa ng Metrocor South Gate, Almanza ng nasabing lungsod.
Nabatid sa ulat ng NBI na nakatanggap ng impormasyon ang Cavite District Office sa pamumuno ni Agent Danielito Lalusis na nagyayabang umano ang suspek sa naging partisipasyon nito sa pagpatay sa magkapatid na Michael at Paul Quintos sa Mamburao, Occidental Mindoro noong Disyembre 13,1997.
Kaya naman agad na sinubaybayan ng NBI ang suspek at napatunayan na si Estanes ay kabilang sa 14 na suspek sa krimen at mayroon itong warrant of arrest na inisyu ni Judge Teresa Yadao ng Quezon City Regional Trial Court-Branch 81.
Dala ang warrant of arrest ay tinungo ng NBI ang tirahan ng suspek at dito ay hindi na ito nakapalag nang damputin.
Sa pahayag ng suspek, ay inamin nito na siya ay nagsilbing look-out habang isinasagawa ang pagpatay sa magkapatid.
Pagkatapos ng krimen ay agad na lumipat ito ng Maynila para pagtaguan ang batas.
Gayunman nangatwiran ang suspek na siya ay hinikayat lamang ng mga tunay na utak nang pagpatay na nakilala sa pangalang Jose Tapales Villarosa na kilalang karibal ni Roberto Ding Quintos na ama ng magkapatid na pinatay. (Ulat ni Andi Garcia)