DJ tinarakan ng 2 beses, todas

Hindi na nakarating ng buhay sa pagamutan ang isang DJ o disk jockey nang dalawang ulit itong saksakin ng isang lalaki sa isang restaurant sa Makati City kahapon ng madaling araw.

Idineklarang dead-on-arrival sa Ospital ng Makati ang biktimang si Ed Jude Tadeos Nicdao, 34, binata, ng #9394 Pilipi St., Brgy. Guadalupe Nuevo ng lungsod na ito sanhi ng dalawang saksak sa likod at dibdib.

Kaagad namang tumakas ang suspek na nakilalang si Menandro Bonifacio, 37, ng Manggahan St., ng nabanggit na barangay.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng Makati City Police na naganap ang insidente dakong alas-12:15 kahapon ng madaling araw sa loob ng Buendia Restaurant sa kahabaan ng Sgt. Fabian Yabut St., Barangay Guadalupe Nuevo.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sina Nicdao at Bonifacio sa hindi pa mabatid na dahilan.

Ang pagtatalo ng dalawa ay nauwi sa madugong enkwentro makaraang makahagilap ng patalim ang suspek at inundayan nito ng dalawang saksak ang biktima.

Mabilis na isinugod sa nasabing pagamutan ang biktima ng ilang mga nagmalasakit pero kaagad din itong namatay bago pa makarating sa pagamutan. Masusi pa ring iniimbestigahan ang kaso para sa iba pang anggulo. (Ulat ni Lordeth B. Bonilla)

Show comments