Ito ay matapos na katigan ng Court of Appeals ang ABS-CBN at ipawalang bisa ang Temporary Restraining Order (TRO) na inisyu ng Quezon City Regional Trial Court laban sa naturang TV istasyon.
Batay sa dalawang pahinang desisyon ng CA 8th division sa panulat ni Associate Justice Ruben Reyes, inatasan nito si QCRTC Branch 90 Judge Reynaldo Daway at ang Filipino Society of Composers, Authors and Publishers Inc. (FILSCAP) na huwag harangin ang nasabing mga tugtugin na ginagamit ng Channel 2 sa kanilang mga tele-nobelas.
Inatasan din naman ng Appellate Court ang FILSCAP na magsumite ng paliwanag sa loob ng sampung araw kung bakit hindi dapat patagalin pa ang ipinalabas na TRO ng una kontra sa TRO na inilabas ng lower court.
Binigyan din naman ng limang araw ng CA ang ABS-CBN para sagutin ang komentong isusumite ng FILSCAP.
Ang TRO na ipinalabas ng CA na pumapayag para magamit ng TV station ang mga sikat na awitin sa kanilang mga soap opera ay tatagal ng may 60-araw maliban kung nais itong gawing permanente ng CA. Itinakda naman nito ang pagdinig sa kaso sa Hulyo 8, 2002. (Ulat ni Gemma Amargo)