Umbagerong mister pinakalaboso ni misis

Tuluyan na ring natapos ang paghihirap ng isang misis mula sa umbagero niyang mister nang ipakalaboso niya ang huli, kahapon ng umaga.

Nakatakdang kasuhan ng kasong panggugulpi ang suspect na si Mernado Casing, 32, ng Roces St., West Fairview, Quezon City matapos arestuhin ng mga pulis sa kanilang tahanan.

Base sa pahayag ni Arlene, misis ng suspect hindi na umano niya makayanan ang madalas na pambubugbog sa kanya ng kanyang mister na ang pinakahuli ay kahapon dakong alas-3 ng madaling araw.

Sinabi ng ginang, na nagulat na lamang siya nang bigla na lamang sumugod ang kanyang mister sa binabantayan niyang videoke bar sa West Fairview. Lasing na lasing umano ito at bangag sa shabu nang lapitan ng mister at inundayan ng saksak.

Mabuti na lamang at nakailag ito.

Naawat naman ang suspect na mabilis na ipinakulong ng sarili niyang misis. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments