2 patay, 2 sugatan sa bigong panloloob

Dalawa ang nasawi, samantalang dalawa pa ang nasa malubhang kalagayan makaraang salakayin ng isang akyat-bahay ang bahay ng isang pamilya sa Muntinlupa City, kahapon ng madaling araw.

Kabilang sa nasawi ang suspect na nakilalang si Roger Salvador, 21, walang trabaho ng Brgy. Cupang, Muntinlupa sanhi ng tinamong maraming saksak sa katawan.

Nasawi rin ang isa sa biktima nito na si Nicomedes Tolentino, 56, ng 771 Purok 6 ng nabanggit na barangay na sinaksak ng suspect.

Samantala, nasa kritikal na kondisyon ang dalawa pang biktima na sina Maria Fe, 50 at April Tolentino, 13, asawa at anak ni Nicomedes sanhi pa rin ng tinamong mga saksak sa kani-kanilang katawan.

Base sa isinagawang imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-2:40 kahapon ng madaling araw sa bahay ng pamilya Tolentino.

Nabatid na pinasok ng suspect ang bahay ng mga biktima na kanyang pinagsasaksak habang natutulog ang mga ito.

Narinig naman ng kanilang mga kapitbahay ang pagsigaw at paghingi ng tulong ng mga biktima. Isa sa sumaklolo ay si Melvin Tolentino, 24, kamag-anak ng mga biktima na siyang pumigil at sumaksak sa suspect. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments