Ito ang nabatid sa ginanap na case conference kahapon sa Camp Crame na dinaluhan ng matataas na opisyal ng pulisya partikular na ng mga opisyal sa Southern Police District na nakakasakop sa Pasay City police.
Aabot sa 341 mga pulis -Pasay ang sinibak ni Mendoza sa posisyon at ang mga ito ay nakatakdang sumailalim sa re-training.
Ayon sa ulat, pansamantalang huhugot ng mga pulis buhat sa National Capital Region Police Office (NCRPO) para siyang humalili sa mga sinibak na pulis.
Nabatid na labis na nagalit si Mendoza sa kapalpakan ng mga pulis-Pasay, dahil ngayon ang buong imahe ng PNP ay nadamay at nasadlak sa kahihiyan.
Kasabay nito, ipinahiwatig ni Mendoza na hindi malayong wala ni isang kusing na makuha ang nauna nang sinibak na chief of police sa Pasay na si Supt. Eduardo dela Cerna dahilan sa kasong kriminal na kinakaharap nito kaugnay sa palpak na operasyon. Si dela Cerna ay nakatakdang magretiro sa susunod na buwan.
Gayunman, sinabi naman ni Chief Supt. Jose Gutierrez, SPDO director na maaaring hindi muna nila pahintulutang magretiro si dela Cerna hanggat hindi napapawalang sala sa kaso.
Magugunitang tumanggap ng maraming batikos ang kapulisan ng Pasay City nang masaksihan ang paghihirap na dinanas ng hostage victim na si Dexter Balala, 4, sa kamay ng suspect na si Diomedes Talbo na bangag sa ipinagbabawal na gamot noong madaling araw ng Biyernes sa Philtranco bus terminal sa Pasay City.
Labis na nagalit ang publiko sa kapalpakan ng mga pulis na hindi naisalbang mailigtas ang biktima sa kamay ng suspect na sa maraming pagkakataon ay may tiyansa naman.
Magugunitang nasawi din sa naturang insidente si Talbo na nakitang nakalugmok na ay patuloy pa ring binabaril ng mga pulis katabi ang biktima.
Si Dexter ay nagtamo ng apat na tama ng bala ng baril na ang isa ay naglagos sa puso na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan bukod pa ang 13 saksak na tinamo naman sa suspect.
Binatikos naman ni dating Police Insp. Jimmy Santiago, tinaguriang sharp shooter of all time ang mga pulis Pasay kasabay nang pagsasabing walang dibdib o walang balls ang sinuman sa mga ito kaya nasawi ang biktimang si Dexter.
Sa isang panayam, sinabi ni Santiago na napakaraming mga pagkakataon ang pinalagpas ng mga pulis upang madamba ang suspect subalit hindi nila ito nagawa kaya humantong sa trahedya.
Sinaksak na umano ang biktima ay hindi pa rin umaaksyon ang mga pulis at hinintay pang dumami ang saksak ng bata at saka nagpaputok nang walang pakundangan. (Ulat nina Joy cantos, Lordeth Bonilla at Andi Garcia)