Singil sa tubig tataas simula Hunyo 15

Panibagong gastos na naman ang mararanasan ng mga mamamayan sa Metro Manila simula sa Hunyo 15 matapos payagan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System ang dalawang distributor ng tubig na magtaas ng singil.

Ayon kay Negros Occidental Rep. Apolinario Lozada, pinayagan ng MWSS ang Manila Water Company na magtaas ng P1 per cubic meter hike, samantalang P6 per cubic meter naman sa Maynilad Water Services, Inc.

Sinabi ni Lozada na bagaman at isang regulatory body ang MWSS ay nagsisilbi umano itong taga-pagtanggol ng mga water distributors.

Mismong si MWSS regulatory chief officer Ed Santos ang napaulat na nagsabing ang pagtataas sa singil sa susunod na buwan ay isang ‘affirmation’ lamang nang matagal nang naaprubahang water rate hike.

Sinamantala naman umano ng dalawang kompanya ng tubig ang isyu sa mataas na singil ng kuryente dahil dito nakatuon ang atensyon ng taumbayan.

"Habang busy ang mga tao sa paglaban sa power rate increase, busy naman ang water utilities sa pagla-lobby na magkaroon din sila ng rate increase", pahayag pa ni Lozada.

Dapat aniyang imbestigahan na ang dalawang water concessionaries dahil lagi na lamang kinakatuwiran ng mga ito ang kanilang pagkalugi tuwing hihingi ng dagdag na singil. (Ulat ni Malou Escudero)

Show comments