Sa 14-pahinang desisyon na ipinalabas ni Judge Adriano Osorio, ng Valenzuela RTC (Branch 171) ang mga hinatulang mabitay ay sina Renato Sulit, ang kapatid nitong si Rufino; Nestor Andaya, Edwin Novales at Rolando Ranola.
Bukod sa parusang bitay, pinagbabayad din ng korte ang mga akusado ng halagang P500,000 bawat isa sa magkapatid na sina Sheryl Tanagco, 17, at Sharleen Tanagco, 18, at P2 milyon naman para sa ama ng mga biktima bilang moral damages.
Base sa rekord ng korte, naganap ang pagdukot noong Hulyo 20, 1999 sa harap ng bahay ng mga biktima sa Karuhatan, Valenzuela City.
Ayon sa mga biktima, dinala sila ng limang suspects sa isang lugar sa Cavite City at doon piniit ng may anim na araw at humingi ang mga ito ng may P20 milyon sa kanilang ama.
Bumaba ang ransom sa halagang P2 milyon na naibigay sa mga suspect sa takot ng ama ng magkapatid na may mangyaring masama sa kanyang mga anak.
Gayunman, matapos mapalaya ang magkapatid agad na nagsumbong ang pamilya Tanagco sa pulisya na nagsagawa ng raid sa kanilang safehouse at doon nadakip ang mga ito. (Ulat nina Jerry Botial at Rose Tamayo)