2 nagtangkang manghalay, tinarakan ng ama at kapatid ng bibiktimahin

Dalawang kabataang bangag sa ipinagbabawal na gamot at nagtangkang manghalay ang nasa kritikal na kondisyon matapos silang pagsasaksakin at pagtatagain ng kapatid at ama ng kanilang bibiktimahin, kahapon ng madaling araw sa Malabon City.

Kasalukuyang nasa bingit ng kamatayan at ginagamot sa Tondo Medical Center sanhi ng mga taga at saksak sa katawan at ulo sina Edwin Gonzales, 16 at Alvin Clemente, 19, ng Azucena St., Brgy. Longos ng nasabing lungsod.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-12:30 ng madaling araw ng maganap ang insidente sa kahabaan ng Azucena St. habang umiigib ng tubig ang biktimang si Jocelyn Bandong, 21.

Bigla na lamang umanong lumapit ang mga suspect at pinaghihipuan sa maseselang parte ng katawan ang biktima kung kaya’t mabilis itong nagtatakbo sa loob ng kanilang bahay.

Sumunod pa rin umano ang mga suspect dahilan upang magising sa pagkatulog sina Jose, 49 at Greg, ama at kapatid ng biktima at nagkaroon ng rambulan.

Kaagad na nakadampot ng junglebolo si Jose at pinagtataga si Clemente, samantalang pinagsasaksak naman ni Greg si Gonzales. (Gemma Amargo)

Show comments