Ayon kay PNP-NarGroup chief Director Efren Fernandez, personal umano siyang nilapitan ni Tulfo upang arborin at aregluhin ang pagkakaaresto kay Tristan John Ngo y Ong na umanoy pamangkin ng kanyang kaibigan.
Subalit hindi na naabutan pa ni Tulfo na maarbor ang suspect dahil agad na isinampa ang kaso laban dito at sa tatlo pang kasama nito na nakilalang sina Vincent Justin Hontiveros, Kenneth Yu at Earrick Ngo.
Ang mga ito ay sinampahan na ng kaso sa Quezon City Regional Trial Court sa Branch 78 noong Abril 21 matapos na arestuhin noong Abril 20.
Lumilitaw na ang pagkakaaresto sa apat ay bunsod na rin ng ginawang buy-bust operation at hindi umano pagtatanim tulad ng ipinapalabas ni Tulfo sa kanyang kolumn.
Sinabi ni Fernandez na nagkakahalaga ng P7,000 ang halaga ng isang gramo ng cocaine kung kayat imposible na taniman ang suspect na mahuhuli.
Si Tristan John Ngo ay dinala sa Dept. of Social Welfare and Development bunga na rin umano ng pagiging special child nito subalit duda naman ang mga awtoridad.
Anila, kung special child si Ngo, bakit ito pinayagan ng kanyang mga magulang na sumama sa iba pang suspect.
Samantala, nadakip din ng Narcotics Group ang isang Chinese na pinaniniwalaang drug trader sa isang buy-bust operation noong nakaraang linggo sa Binondo, Maynila.
Nakilala ang suspect na si Jayson Chua, alyas Jayson Chua Villanueva, 26, tubong Fujian, China at pansamantalang naninirahan sa 409 Peace Hotel, Solar St., Binondo, Manila. (Ulat ni Doris Franche)