Ayon sa complainant na si Amelita Escorial, 55, canteen owner, ng 1820 Pinatubo St., Cubao na siya, kasama ang kanyang anak na si Herminigildo, negosyante at apong si Marlon, 10, ay ipiniit ng mga pulis sa hindi malamang dahilan.
Kinilala niya ang mga suspect na pulis na sina Superintendent Gerardo Patuita; SPO3 Brigido An; SPO2 Edgardo Ramos; SPO1 Robert Miras; SPO1 Danilo Cruz; SPO1 Reggie Nazareno; SPO1 Edvoil Catiis; PO2 Virgil Bernardo; PO1 Robert Dante at PO1 Cecil Collado, pawang nakadestino sa CPDC-Station 3. Ang mga nabanggit ay inireklamo ng robbery, extortion, illegal arrest at child abuse.
Binanggit ng pamilya Escorial na sila ay dinukot ng mga pulis at ipiniit ng ilang oras sa Station 3 noong nakalipas na linggo. Pinalaya lamang sila makaraang magbigay sila ng halagang P15,000 sa mga ito.
Ayon pa sa mga biktima kinuha sila sa Cubao dakong alas-3 ng hapon. Kapwa sila pinosasan at dinala sa himpilan ng pulisya at doon kung anu-anong kaso ang ipinapataw sa kanila. Ilang oras din silang piniit at tanging ang halagang P15,000 na ibinigay nila sa mga suspect ang nagpalaya sa kanila. (Ulat ni Jhay Mejias)