Trike driver sinalpok ng kotse, todas

Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang 24- anyos na binata matapos na bumangga ito sa isang kotse kahapon ng madaling araw sa Quezon City.

Ang biktima ay nakilalang si Ronald Lingat, ng Sitio Mabilog, Brgy.Culiat ng nasabing lungsod na namatay habang dinadala sa New Era Hospital sanhi ng pagkabasag ng bungo nito.

Kusang-loob namang sumuko sa pulisya ang suspek na si Raymundo Isip, 38, ng 52 Examiner St., Brgy. West Triangle.

Sa imbestigasyon,dakong alas- 2:54 ng maganap ang sakuna sa Central Avenue malapit sa Gate 11 ng templo ng INK.

Tinatahak umano ng suspek ang kanyang Honda City na may plakang USK-655 ang kahabaan ng nasabing lugar nang hindi nito mapansin ang tricycle ng biktima.

Sa lakas ng pagkabangga ay tumilapon ang biktima ng ilang metro na naging sanhi ng kamatayan nito.

Nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide ang suspek. (Ulat ni Jhay Mejias)

Show comments