Ito ay matapos na kontrahin ng Office of the Solicitor General (OSG) ang kahilingan nina Carmina at Rustom na payagan ng hukuman ang annulment ng kanilang kasal dahil sa isyu ng psychological incapacity.
Batay sa 22-pahinang komento ng OSG na walang sapat na basehan para mapawalang-bisa ang kanilang kasal. Ang nasabing paliwanag ng OSG ay inihain batay sa utos ng hukuman.
Inihain ni Carmina ang annulment ng kanilang kasal ni Rustom sa sala ni Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 69 Judge Lorifel Pahimna.
Nakasaad sa rekord ng korte na nagkakilala ang dalawa noong 1990 sa tulong ng kaibigan ni Carmina na si Anna Janell Gelli de Belen-Rivera na naging daan upang makasal ang dalawa noong Hunyo 4, 1994 sa BF Homes, Parañaque City.
Hindi naging maganda ang kanilang pagsasama dahil sa sinasabing pananakit at pananakal ni Rustom sa aktres na tahasan namang itinanggi nito sa hukuman ang alegasyon.
Inamin ng aktres na nakararanas siya ng psychological incapacity dahil sa kawalan ng muwang sa pagpasok sa buhay mag-asawa.
Gayunman, naniniwala ang OSG na hindi dapat pagbigyan ang nasabing kahilingan dahil hindi maituturing na psychological incapacity ang immaturity ng aktres at wala itong maipakitang ebidensya sa hukuman.
Sina Carmina at Rustom ay matagal nang naghiwalay at may kani-kanya nang buhay sa kasalukuyan. Si Carmina ay may kambal na anak sa piling ng live-in partner nitong aktor na si Zoren Legaspi. (Ulat ni Grace Amargo)