Taong-grasa pumatay dahil hindi nabigyan ng piso

Isang 29-anyos ang pinatay sa saksak matapos itong tumangging magbigay ng piso sa isang taong grasa kahapon ng madaling-araw sa Navotas, Metro-Manila.

Si Jerry Bokal, may-asawa, residente ng 147 Gov. Pascual St., Pitong Gatang, ng nasabing lugar, ay namatay sa Tondo Medical Center sanhi ng isang tama ng saksak sa dibdib.

Ang sinasabing taong-grasa na hindi nakilala ay mabilis na nakatakbo palayo sa nasabing lugar.

Ayon sa pulisya, dakong alas-2:30 ng madaling araw ng mangyari ang insidente sa loob ng Fish Port compound, North Bay Blvd., South, Navotas.

Napag-alaman, naglalakad ang biktima sa nasabing lugar kasama ang isang Ronnie Cito,23, kaibigan ni Bokal nang lapitan ito ng suspek at nanghingi ng piso.

Tumangging bigyan ng piso ng biktima ang suspek na kinagalit ng huli kaya bumunot ito ng kutsilyo at inundayan ng saksak si Bokal. (Ulat ni June Trinidad)

Show comments