Nobya kumalas, tinodas ng nobyo

Hindi matanggap ng isang binata ang panlalamig sa kanya ng kasintahan at para walang makinabang dito pinagsasaksak niya ito hanggang sa mamatay at pagkatapos ay nagpakamatay din sa may Brgy. Talipapa, Novaliches, Quezon City, kahapon ng umaga.

Naliligo sa sarili nilang dugo sina Rose Fei Ramos, 17, at Pablo Lafemia, 19, kapwa mananahi at stay-in employee ng Augustus Ramos Garments sa Ramos compound, Villa Sabina, Brgy. Talipapa, Quezon City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-8 ng umaga kahapon ng matagpuan ang kanilang mga bangkay sa loob ng banyo sa ikatlong palapag ng gusali ng mga kasamahan nito sa trabaho.

Ayon sa ulat, pinasok daw ng suspek ang biktima sa loob ng banyo at nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo hinggil sa kanilang relasyon.

Napag-alamang kinompronta ni Lafemia si Ramos para tanungin kung bakit nanlalamig ito sa kanya kasi nabalitaan umano ng una na nanliligaw si Albert, pinsan ng una kay Rose.

Gayunman, may hinala ang pulisya na gusto nang kumalas ni Ramos kay Lafemia kaya sa galit ng huli ay pinagsasaksak ang babae at saka nagdesisyon magpakamatay din.

May mga ulat, na tutol umano ang nakakatandang kapatid ni Lefamia kay Ramos.

May nagsasabing gumamit muna umano ng blade ang dalawa para laslasin ang kanilang pulso pero para matiyak na patay sila ay nagsaksak umano ang mga ito sa sarili. (Ulat nina Jhay Mejias/June Trinidad)

Show comments