Dead-on-the-spot ang dalawang hindi nakikilalang holdaper samantalang hindi na umabot ng buhay sa Valenzuela District hospital si Reynaldo dela Cruz at dalawa pang hindi nakikilala na kasalukuyang ginagamot sa nasabing ospital.
Hindi naman mabatid ng mga awtoridad kung ano ang tunay na mga pangalan ng mga namatay na suspek dahil sa nagkasama-sama na ang mga wallet ng mga ito subalit kabilang sa mga pangalan na kanilang nakuha ay sina Bernabe Quibangon, Fabon Edilberto at Teresito Moralia.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng Valenzuela police na dakong alas-4:30 ng hapon nang holdapin ng mga suspek ang Ramos Plastic manufacturing sa #5037 Gen. T. de Leon, Valenzuela City na pag-aari ni Rudy Ramos, 50.
Napag-alaman na kasalukuyang nagsasagawa ng checkpoint sina SPO1 Lazaro Paulo, PO1s Huber Erineo, Doliton Gatdula, Ronald Saldivar at PO2 Miguel Capangyarihan, pawang nakatalaga sa Block 2 ng Valenzuela police nang makarinig sila sa mga residente na malapit sa pabrika na nagsisigaw ng holdap.
Kaagad nagresponde ang mga awtoridad subalit namataan ito ng mga holdaper na hindi na nakuha pang makasakay sa naghihintay na Tamaraw FX na kanilang get-away vehicle at nakipagpalitan ng putok hanggang sa dalawa sa mga ito ang bumulagta at nagtatakbo naman papalayo ang tatlo pa hanggang sa makarating ang mga ito sa Brgy. Ugong.
Tatlo pa sa mga suspek ang nabaril kabilang si dela Cruz na namatay din habang ginagamot ang dalawa pa.
Narekober sa crime scene ang isang granada, kalibre .38 paltik, magnum 357 at kutsilyo na ginamit sa panghoholdap.
Pinapurihan naman ni Northern Police District (NPD) director C/Supt. Vidal Querol ang mga kagawad ng Block 2 at inirekomenda ang spot promotion para sa mga ito. (Ulat ni Gemma Amargo)