Si Melencio Quinones, 21, binata, driver, at nakatira sa San Mateo, Rizal ay sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide, multiple physical injuries at damage to properties.
Kinilala naman ang nasawi na si Trinidad Bautista, balo, ng San Mateo, Rizal, sakay ito ng ambulansya para dalhin sa Amang Rodriguez Medical Center (ARMC).
Sa ulat ni SPO1 Gerardo Nuestro, imbestigador, binabaybay ng ambulansya buhat sa bayan ng San Mateo nang sumalpok naman ang pampasaherong dyip na minamaneho ni Quinones dakong alas-2:45 kamakalawa ng hapon sa may panulukan ng Guerilla at Toyota st., Sto. Niño Marikina na naging dahilan para tumaob ang nasabing ambulansya.
Isinugod sa nasabing ospital si Bautista pero namatay ito dakong alas-10 ng gabi. Dinala rin sa pagamutan ang mga sakay ng ambulansya na sina Joseph Angeles, 29, drayber at Maureen Pascual,25, nurse, Milagros Gloriani,48 at Antonio Bautista,42.
Sina Nelson Jimenez, 55, tricycle driver ng Marikina, Ramon Mercado, 53, at John Patrick Torres,17, pawang taga-Marikina City ang mga pasahero ng jeepney na nilapatan ng kaukulang lunas sa AMRC.
Samantala, si Quinones ay kinulong ng pulisya sa Marikina City Jail. (Ulat ni Danilo Garcia)