Pulis 'promdi' tinusok ng snatcher

Sugatan ang isang probinsiyanong pulis makaraang saksakin ng balisong ng isang snatcher na pumalag ng aarestuhin ito kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Ang suspect na si Christopher Laural ng Santo Brigado Karuhatan Valenzuela, ay nagtamo din ng tama ng bala sa paa makaraang barilin ni PO1 Edgar Fernandez nakatalaga sa Region 5 matapos saksakin ito sa tiyan at kapwa nasa Veterans Memorial Medical Center sa QC.

Batay sa pulisya, naganap dakong alas-9:15 ng gabi sa Edsa kanto ng North Avenue ang insidente.

Namataan ni Fernandez ang ginawang paghahablot ng snatcher sa shoulder bag ng biktimang si Cyrel Mascarinas, 28, ng #34 Tamaraw Hills, Valenzuela City kaya agad na rumisponde .

Nang abutan ni Fernandez ay mabilis nitong hinawakan sa kuwelyo ang suspect upang dalhin sa presinto subalit bigla na lamang siyang sinaksak nito ng balisong sa tiyan.

Nabitawan ng pulis ang snatcher at kahit duguan ay nagawang bunutin ni Fernandez ang kanyang service firearm at pinaputukan ang papatakas na suspect. (Ulat ni Jhay Mejias)

Show comments