Magtiyo inambush; 1 patay, 1kritikal

Nasawi ang tiyuhin habang malubhang nasugatan ang pamangkin matapos na tambangan at pagbabarilin ng grupo ng kalalakihan habang papalabas sa isang videoke bar sa Quiapo, Maynila kahapon ng madaling-araw.

Namatay habang ginagamot sa Philippine General Hospital ang biktima na kinilalang si Joeffrey Valente, 26,may asawa, ng 1211-H Concepcion Aguila St., Quiapo, Maynila habang ang kanyang pamangkin na si Albert Javier, 24, binata, ay nagtamo ng tama ng bala sa binti.

Agad namang naaresto sa isinagawang follow-up operation ng awtoridad ang isa sa mga suspect na si Jose Manuel Laxamana alyas Junior, 21, Criminology student sa MLQU, miyembro ng Tau-Gamma fraternity sa kanyang tirahan sa 438 Nepomuceno St., Quiapo.

Sa isinagawang pagsisiyasat ni SPO1 William Conranios, may hawak ng kaso, dakong ala-1 ng madaling-araw nang maganap ang insidente.

Nauna rito, masayang nag-iinuman ang magtiyo sa Honey Joy videoke sa Concepcion Aguila St., nang makapikunan umano ng mga ito ang kabilang grupo na kinabibilangan ng suspect .

Agad namang naawat ang hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng magkabilang grupo subalit habang papalabas ang mga biktima ay agad na inabangan ng mga suspect at saka pinagbabaril.

Mabilis na isinugod ang dalawa sa nasabing pagamutan subalit idineklarang patay si Valente habang inooperahan. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments