Publication ng porno magazines sinalakay

Hindi na nakawala pa ang may-ari ng isang publication house ng porno magazine at apat nitong trabahador nang magsagawa ng pagsalakay ang pulisya kamakalawa sa Pasig City.

Nakilala ang mga naarestong sina Noel Climata,35,may-ari ng Contour Visual Inc., na nasa C. Raymundo Ave.,Brgy.Sagad; Rolly Villanueva,49,machine operator ; Napoleon Cortez , 38,offset operator; Victor Pulido,34,lay-out artist at Ildefonso Cayago,43,lay-out artist.

Ayon kay Supt.John Sosito,hepe ng Pasig police,isang surveillance ang isinagawa ng mga elemento ng intelligance division sa nasabing publication house matapos na makatanggap ng impormasyon na dito ginagawa ang mga malalaswang babasahin na ikinakalat sa pamilihan sa pamamagitan ng underground na bentahan.

Isinagawa ang pagsalakay dakong alas-5:45 ng hapon sa naturang publishing house at naaktuhan ang mga suspek sa pag-iimprenta ng naturang porno magazine.

Nakakumpiska ng humigit kumulang na 3 libo piraso ng bold magazine na kinapapalooban ng mga hubo't hubad na katawan ng mga lalaki at 39 piraso ng negative plates na gagamiting ebidensiya sa korte.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article 201,Sec,3 ng Revised Penal Code o Anti- Pornography Law. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments