Ang mga biktima ay nakilalang sina Kimura Keiko,51 at Sugiyama Takashige,39,kapwa negosyante at tubong Tokyo,Japan.
Sa inisyal na imbestigasyon,dakong alas-2:30 ng hapon ay binabagtas ng L-300 van na minamaneho ni Andres Tatel,33 na kinalululanan ng mga biktima na kararating pa lamang sa bansa ang kahabaan ng Magallanes Interchange.
Habang binabaybay ng sasakyan ang nasabing lugar pinara ito ng isang naka-unipormadong pulis dahil sa ito umano ay may nagawang traffic violation.
Nang huminto ang sasakyan ay bigla na lamang sumulpot ang limang kalalakihan at agad na nagpahayag ng holdap.
Sa loob ng van ay isa-isang kinuha ng mga suspek ang Y 15-M, $ 20,000,
3 gintong kuwintas na may palawit na batong diyamante,2 Rolex,mga credit cards na ang kabuuang halaga ay umaabot sa P 10-M.
Matapos na malimas ng mga suspek ang mga pera at alahas ng dalawang biktima ay nagsitakas ang mga ito sakay ng isang kotse.
Agad na sinamahan ni Tatel ang mga biktima sa himpilan ng pulisya upang magreklamo,subalit siya ay pinigil at isinailalim sa interogasyon.
May hinalaang mga pulisya na maaaring umanong kasabwat si Tatel sa nasabing pangyayari dahil sa alam ng mga holdaper kung sino at saan sila manghoholdap.
Maari din umanong miyembro ng sindikato si Tatel na nagkukuta sa NAIA. (Ulat ni Lordeth Bonilla)