Nagwawalang anak nabaril ng ama, patay

Isang 58-anyos na Chinese national ang aksidenteng nakabaril at nakapatay ng kanyang anak makaraang pigilan ito sa pagwawala kahapon ng madaling-araw sa Quiapo, Maynila.

Isang tama ng bala sa kanang bahagi ng dibdib ang nakapatay noon din sa biktimang si Zaldy Yu y Gonzalo, 34, jobless, ng 844 Gonzalo Puyat St., Quiapo.

Kaagad sumuko sa awtoridad ang ama na si Antonio Yu, businessman ng naturan ding lugar dala ang lisensyadong .38 cal. pistol.

Sa imbestigasyon ni SPO1 David Tuazon ng Western Police District, alas-3:50 ng madaling-araw nang mag-agawan ang mag-ama sa baril na aksidenteng pumutok.

Sinabi ng ina ng biktima na si Erlinda Yu, susuray-suray na dumating ang anak galing sa inuman.

Nanghingi ng pera ang biktima sa ina at binigyan ito ng P2,000 pero nagpadagdag pa. Nang wala nang maibigay ay nagalit at nagwala ito na ikinagising ni Antonio.

Pinatigil ng ama ang biktima pero sa halip na sumunod ay kinuha pa nito ang baril ng ama sa ibabaw ng drawer at akmang magpapaputok.

Agad na nakipag-agawan ang ama sa baril na tangan ng anak hanggang sa aksidenteng pumutok ito at tinamaan ang nakababatang Yu. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments