Ito ang nakumpirma ng mga mamamahayag ng WPD-Press Corps makaraang kapanayamin ang ilang preso na hindi kasama sa pagtakas ng naturang bilang ng preso sa kabila ng mariing pagtanggi ni Meisic Police Station 11 P/Supt. Juanito de Guzman na walang naganap na pagtakas ng mga bilanggo.
Nabatid na ikinatwiran ni de Guzman na kaya hindi nailagay sa blotter ng pulisya ang insidente ay dahil hinihintay pa nito na mahuli ang mga nakatakas na preso.
Habang isinusulat ang balitang ito, dalawa na ang naaresto at naibalik sa kulungan ng mga tauhan ni de Guzman at kinilala ang mga ito na sina Alfie Corpin, 19, ng Area A Parola Compound, Tondo at Garry Balonga, 18, ng #1525 Area B Parola Compound, Tondo, habang dalawa pa na nakilalang sina George Halipes, 25, ng Bldg. 2, Katuparan Village, Vitas, Tondo at Richard Quintos, 24, may asawa, ng Dasan St., Quiapo, ang kasalukuyang tinutugis ng pulisya.
Matatandaan na noong nakaraang taon ay natakasan na rin ng bilanggo si de Guzman na nagresulta ng pagkatanggal nito bilang hepe ng naturang istasyon ng pulis at nailipat sa ibang istasyon. (Ulat ni Ellen Fernando)