Palaisipan sa mga kaanak ng biktimang si Ian Apdo, 39, tubong Otis, Butuan City, ang pagkamatay nito sanhi ng sakit sa tiyan sa loob ng Manila City jail kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ay nabatid na dakong ala-una ng hapon nang biglang makaramdam ng pananakit ng tiyan si Apdo. Nagsimula sa paghilab hanggang sa mauwi sa unbearable pain ang pananakit ng tiyan na naramdaman ni Apdo.
Agad na dinala ang biktima sa infirmary ng kulungan ngunit pinasya ng mga namamahala dito na ilipat na agad sa Jose Reyes Memorial Medical Center ngunit agad ding nasawi si Apdo bago pa ito idating sa nasabing pagamutan.
Samantala ay sobrang sikip, init at kawalan ng maayos na bentilasyon ang sinasabing dahilan ng kamatayan pa ng isang 32 anyos sa loob ng selda sa Central Police District -Station 7.
Namatay ang biktimang si Manuel Leo Jr. dahil sa paninikip ng dibdib nito na nauwi sa kawalan ng hanging dumadaloy sa buong katawan nito na sanhi ng poor ventilation.
Sinabi sa ulat na si Leo ay isa sa 41 inmates na umuukupa sa napakaliit na seldang pang-sampuan lamang.
Ang bangkay ng dalawang biktima ay dinala sa PNP Crime Laboratory para sa kaukulang awtopsiya dito. (Ulat nina Ellen Fernando at Jhay Mejias)