Dakong alas-10:30 ng umaga nang matuklasan ni Eduardo Cardenas isang Executive Officer ng Brgy. 637 Zone 65 ang bunton ng mga kalansay at bungo ng tao mula sa isang bahagi ng ginibang De Ocampo Memorial College.
Agad na ipinagbigay alam ni Cardenas ang natuklasan sa J.P. Laurel Police Community Precint na agad namang nagpatawag ng mga kawani ng Scene of the Crime Operation (SOCO) ng Western Police District (WPD).
Agad na itinanggi ng mga rumespondeng SOCO staff na mga biktima ng salvaging ang hindi pa batid na dami ng kalansay .
Sinabi ni PO3 Virgilio Landicho na mas matatag ang posibilidad na ang mga kalansay ay nagmula sa De Ocampo bilang bahagi ng pag-aaral ng mga estudyante dito ng Comparative Anatomy na isang major subject sa medical course.
Inamin naman ng isa sa staff ng kolehiyo na di nagpabanggit ng pangalan na mayroon silang permit sa pag-iingat ng mga kalansay at iba pang bahagi ng tao.
Sa kabila ng pagkakaroon ng kaukulang permiso ng kolehiyo sa paggamit ng mga natuklasang kalansay, ayon pa sa kinauukulan ay lumabag pa din ang mga ito sa itinakdang pamamaraan ng disposal ng mga kalansay.
Nasasaad na sa kabila na legal na pag-aari na ng paaralan ang mga kalansay ay kailangan pa rin na ilibing ang mga ito ng naaayon at hindi basta na lamang itatambak o ibabaon na parang basura lamang.
Maging ang mga alagang hayop na namamatay ay binibigyan ng disenteng libing, mga tao pa kaya? pahayag ng isa sa miyembro ng SOCO. (Ulat ni Ellen Fernando)