Wendy's tinangkang sunugin ng sinabon na crew

Ipinagharap ng reklamo ng pamunuan ng isang fastfood restaurant ang sarili nilang service crew matapos na tangkaing sunugin nito ang establisimiyento sa pamamagitan ng pagsisindi sa mga lamesa at silya nito, kamakalawa sa Pasig City.

Ipinagharap ng kasong frustrated arson ni Isagani Villanueva, 33, may-asawa, branch assistant, at residente ng Soldiers Village, Bgy. Sta. Lucia, Pasig ang suspek na si Don Marvin Mariateque, nasa hustong gulang ng Taguig, Metro Manila.

Ayon kay Villanueva, naganap umano ang insidente dakong alas-2 kamakalawa ng madaling araw sa ikalawang palapag ng Wendy’s Restaurant sa may Brgy. San Antonio kung saan closing time na nila.

Nabatid na nagtungo umano mag-isa sa ikalawang palapag ang suspek matapos na masabon ng kanilang branch manager ukol sa umano’y palpak na trabaho nito. Makalipas ang ilang saglit, dito na sila nakaamoy ng nasusunog na bagay at mausok sa itaas.

Agad namang umakyat ang duty guard na nakilalang si Malvar at nakita na nagliliyab na ang lamesa at upuan. Naapula naman ang apoy bago pa ito lubusang kumalat nang makakuha ng fire extinguisher si Malvar at patayin ito.

Sa halip naman na mapayapa, sinabi ni Villanueva na nagwala pa ang suspek sa loob ng fastfood at hinamon ng away ang kanyang mga kasamahan. Hindi naman nila ito napigilan nang makalabas at makatakas. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments