Si Espina, kasama ang maybahay nito ay sumailalim sa polygraph test noong Dis. 26 sa PNP Crime Laboratory, ay kapwa pumasa bilang pruweba umanong hindi nagsisinungaling sa kanilang testimonya sa akusasyon ni Medel.
Kapwa iginiit ng dalawa na magkasama sila mula alas-8 ng gabi noong Nob. 19 hanggang alas-8 kinaumagahan na taliwas sa sumbong ni Medel kung saan kasama umano nito sa tanggapan ng PNP-CIDG ang opisyal ng nabanggit na mga araw at umanoy bumugbog sa dinukot na si Martinez.
Si Martinez ang sinasabing "vital link" sa pagbubulgar ni Medel, ay kinidnap ng walong armadong suspect kabilang ang isang babae noong Nob. 19 sa tahanan nito sa Sun Valley Subd. sa Parañaque City.
Ayon kay Atty. Virgilio Pablico, legal officer ng PNP-CIDG, malinaw lamang umano na nagsisinungaling talaga si Medel sa pahayag nito laban kay Espina.
Idinagdag pa nito na walang karapatan si Medel upang ihayag na pinapatawad na nito ang Task Force Marsha dahil unang-una umano ay walang anumang kasalanan sa kanya ang naturang task force. (Ulat ni Joy Cantos)