Matapos na iharap kay Elena dela Paz, personal secretary ng aktres, ang may 18 nakalap na ebidensya ng NBI at Criminal Investigation Detection Group (CIDG)-Task Force Marsha upang isa-isang kilalanin nito at ang isang payong na sinasabing hindi pag-aari ng aktres.
Isa sa payong ay nakitang may mga bahid ng dugo na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa tinukoy ng NBI kung ito ay dugo ng napatay na aktres.
Sa 18 ebidensya, kasama rito ang 2 payong, ay tanging ang isang payong na may dugo ang umanoy hindi nakilala ni dela Paz at lahat umano tulad ng singsing, relo, ATM cards, mga dokumento ay pawang pag-aari ni Nida Blanca.
Matatandaang unang napaulat na ang isa sa mga payong na nakita sa loob ng kotse ay pag-aari ni Rod Strunk subalit nang iharap ito ng NBI kay dela Paz ay mariin nitong inihayag na hindi niya alam kung kanino ang nasabing payong.
Kaugnay nito ay sinabi naman ni Kaye Torres, anak ni Nida Blanca, na hindi ito aalis ng bansa hanggat hindi nalulutas ang kaso ng ina.
Nitong Biyernes ay kasamang bumalik sa NBI ni Kaye at abogado nitong si Judge Harriet Demetriou sa ikatlong pagkakataon. Nakatakda rin sanang magsagawa ng "case conference" ang NBI, PNP-Task Force Marsha at Eastern Police District (EPD) Scene of the Crime (SOCO) para maimbentaryo ang mga ebidensyang kanilang nakalap subalit hindi ito natuloy matapos na hindi makarating ang SOCO team.
Kaugnay pa rin nito, nagpahayag ng pagnanais ang NBI na dapat umanong magpasailalim sa polygraph test si Rod Strunk upang maiwasan ang mga negatibong ispekulasyon laban dito. (Ulat ni Ellen Fernando)