Inihayag ni Federation of the Association of Private School Administrators (FAPSA) President Eleazar Kasilay, una umano nilang tinitingnan na magtaas ng mula 15 hanggang 30% sa tuition fee ngunit kanila nang ibinaba ito sa 10-15% dahil sa pagkukonsidera sa takbo ng ekonomiya.
Kinukonsidera rin umano nila ang panawagan ni Department of Education (DepEd) Secretary Raul Roco na huwag munang magsagawa ng pagtataas sa tuition fee upang hindi makadagdag sa hirap ng mga magulang.
Iniulat rin umano ng may 1,000 nilang miyembro na matapos ang pinakahuling pagtataas nila sa tuition fee nitong nakaraang school year, bumaba ang bilang ng mga mag-aaral nila sa 5 hanggang 8 porsiyento matapos na marami ang mag-drop sa kanilang pag-aaral.
Pumapatak ang average na tuition fee sa mga pribadong paaralan sa elementarya ng P12,500 hanggang P20,000 at sa high school mula sa P18,000 hanggang P40,000.
Kinukonsidera umano nila ang hindi muna paggalaw sa tuition fee ngunit kailangan umanong magsagawa sila ng kahit na maliit na adjustment para sa pagbili ng mga bagong equipments, pagtataas sa sahod ng mga guro at pagtaas ng presyo ng mga textbook at iba pang teaching materials. (Ulat ni Danilo Garcia)